(do not proceed if you haven’t read PART I, you might not be able to relate.)
sa pagpapatuloy…
Ikalawa, NAKAKATABA ang kalungkutan.
Siempre, kapag malungkot ka, di mo maiwasang kumain. Hindi lang basta kain, lamon ang ginagawa mo. Ewan ko ba sa’yo. Yung iba kasi kapag nalulungkot walang ganang kumain, ikaw naman walang inatupag kundi bumili ng kung anu-anong mangangasab. Ang problema pa sa iyo, hindi lang basta pagkain ang binibili mo. Marami ka na ngang kinakain, mahal pa. Mahilig ka pa naman sa Krispy Kreme. Bukod sa 36 pesos isang piraso nun (balik tayo sa unang dahilan), aba’y nagsusumigaw na calories ang donut na yun! Eh hindi bale kung kontento ka na sa isang original glazed (mas mura ito, 30 pesos lang), pero hindi… ang gusto mo ay yung may mga flavors… hershey’s collection, chocolate, maple, at yung custard stuffed nila. Hindi ka rin kuntento sa isa, ang pinakamababa mong konsumpsiyon ay tatlo sa isang upuan. Aba, saan ka na pupulutin niyan? Nasaan na ang pagiging health conscious mo? Ok lang. Malungkot ka naman.
Pagkatapos mong kumain, sa halip na mag-ehersisyo ka o gumawa ng mga pisikal na aktibidad para pawisan (o mag-aral man lamang, pagkat nakakapawis din iyon), natutulog ka. Parang hindi mo isinapuso ang doktrinang "Huwag matutulog kapag busog." Bukod sa maari kang bangungutin (sabi ng iyong ina, na hindi mo naman talaga pinaniwalaan), bumabagal din ang metabolismo ng iyong katawan, hindi tuloy nasusunog ang mga calories na nakonsumo mo. Ayun, mag-uumpisa nang makita sa iyong katawan ang mga pagkaing hindi mo naman dapat kinain. Mamaya, isa ka nang naglalakad na malaking donut. Buti sana kung Krispy Kreme ang brand mo… eh mukhang ang kalebel mo lamang ay ang mga "bilohabang donut na may keso sa loob" na binebenta ng mga manang sa tabi-tabi. Lalo ka lang magiging kawawa. Pero sa ngayon, ok lang. Malungkot ka naman.
Ikatlo, bukod sa nakakataba ang pagtulog, MASAMA rin ang sobra nito. Alam ko naman kung bakit gusto mo laging matulog. Kasi kapag tulog ka, malaki ang posibilidad na mananaginip ka. Dati-rati, gusto mo masaya ang mapapaginipan mo, pero ngayon wala ka nang pakialam. Panget man o maganda, basta ang mahalaga nananaginip ka. Alam mo kasi na sa panaginip, ilang beses ka mang magkamali, mapahiya, umiyak, pumatay, makasakit, o masaktan, alam mong hindi ka maaapektuhan dahil hindi ito totoo. Alam mong pagmulat ng mga mata mo, lahat ng iyon ay mawawala at mabubura. Minsan pa nga kahit nananaginip ka pa, kayang-kaya mong ibahin ang sitwasyon. Malaya ka sa mga panaginip mo. Malaya ka kapag ikaw ay tulog.
Hindi tulad pag ikaw ay gising. Wala kang magawa kundi pagsisihan ang iyong mga pagkakamali dahil alam mong hindi mo kayang ibalik ang nakaraan. Wala kang magawa kundi sumubok at humiling na sa huli ay aayos ang lahat. Ang mga sakit na nararamdaman mo kasi kapag gising ay totoo.
Ngunit masama ang makasanayang mahumaling sa panaginip, dahil baka sa huli, maisipan mong huwag ka na lamang magising.
(itutuloy…)
Entries (RSS)
nice blog ^_^
visit mine too:
http://doctorbeans.wordpress.com
^^ lapit na ang christmas! bawal malungkot! ^^
thanks. nice blog too! dr. bean. hehe