(don’t read up if you haven’t read parts I and II)
Alam mo namang niloloko mo lang ang sarili mo. Hindi naman maiibsan ng kahit ilang pagsakay sa taxi, panonood ng sine, pagkain ng donut, at pagtulog ng mahimbing ang nararamdaman mong kalungkutan. Lahat sila ay panandalian lamang tumatanggal sa sakit na iyong nararamdaman. Hindi naman sa habang panahon ay magkakasya ka na lamang sa taas babang pag-inog ng iyong emosyon. Gusto mo rin matapos ang lahat.
Pero paano? Ang mahirap kasi kadalasan, ang bagay na nagpapalungkot sa’yo ay siya ring mismong bagay na makakapagpasaya sa iyo. Saan ka ngayon lulugar? Umiwas ka sa bagay na ito, magiging malungkot ka. Lumapit ka naman, masasaktan ka. Ayun, asa gitna ka tuloy ngayon. Hindi mo alam ang gagawin mo.
Pero nagpapasalamat ka pa rin dahil nakakaramdam ka ng kalungkutan. Mas maigi na iyon kaysa makaramdam ka ng galit o takot o pagkainis. Mahirap kasi kapag galit ang umiral sa iyo. Kapag malungkot ka kasi, nakakapag-isip ka pa ng tama, ngunit kapag galit ang isang tao, nabubulagan na ito sa kung ano ang tama at mali, kung ano ang masama sa mabuti. Kapag takot naman ang isang tao, hindi na ito gagawa ng hakbang para makaalis sa kinatatayuan niya pagkat iisipin niyang baka mas masama pa ang kahantungan niya. At kapag ang isang tao ay nakakaramdam ng pagkainis, ibig sabihin sawa na talaga ito at nawawalan na ng pag-asa. Pero ang kalungkutan ay nagpapaalala na minsan kang naging masaya, at naghihintay ka lamang maging masaya ka muli.
Hanggang hindi nawawala ang kalungkutan sa iyo, alam kong pilit mong ipapakita na masaya ka. Hindi ka pa kasi handang magbahagi ng iyong problema. Sabi kasi ni Doraemon, "Huwag mong ipakitang malungkot ka kung hindi ka naman magsasabi ng problema, para kang nag-alok ng hopia pero di mo naman ibibigay." Maiintindihan ka din nila.
Oo, may mga taong nagmamahal sa iyo na handa kang tulungan. Pero sa huli, sarili mo lang din ang makakapagpaalis sa iyo sa kalungkutan na iyong nararamdaman. Sabi nga nila, ang kasiyahan ay isang desisyon. Gawin mo ang desiyon ngayon, kahit gaano katagal pa bago mo marating ito, ang mahalaga pinili mong maging masaya.
Entries (RSS)
its nice.. c”,)
thanks. at least i know that somwone appreciates my blog. haha.