(apologies for my friend who insists that blogs should always be written in English. I think that some thoughts are better said in the vernacular.)
Di ka na dapat malungkot.
Oo, maraming dahilan para maging malungkot, ngunit marami ring dahilan kung bakit dapat umalis ka na sa ganyang estado ng emosyon. Sa huli, ikaw pa rin naman ang talunan kung hindi mo tutulungan ang sarili mong makaahon sa ganyang uri ng sitwasyon. Kapag hindi ka nag-umpisa ngayon, mas mahihirapan ka ng bumawi at bumalik sa maayos na desposisyon ng buhay mo. Yun din naman talaga ang hinihiling at inaasam mo. Tama ba ako?
Sana lang, sapat ang mga dahilang ito para maisip mong "tama na, ayoko na maging malungkot."
Unang-una, MAGASTOS maging malungkot.
Kapag malungkot ka kasi, hindi ka mapakali. Hindi ka makapirmi sa isang lugar. Gusto mo palagi ay may ginagawa ka para ang atensyon mo ay mabaling sa ibang bagay at di maisip ang bagay na nagpapalungkot sa’yo. Gusto mo laging may kasama. Kapag nag-iisa ka kasi bigla-bigla nalang pumapatak ang mga luha sa mata mo. Naiinis ka kasi di mo mapigilan. Pakiramdam mo masisiraan ka ng bait. Natatakot ka tuloy mag-isa. Kaya naman ang ginagawa mo, labas ka ng labas kasama ang kung sino-sino — mga kaibigan at kakilala. wala kang pakialam, ang mahalaga hindi mo maramdamang nag-iisa ka.
Aalis ka tuloy ng iyong bahay. Ayaw mo magjeep kahit alam mong 7.50 lang ang minimum fare nito. Di naman kasi kasenti-senti sumakay ng jeep. Mausok at mahangin, maari pang may putok ang katabi mo. Pagbaba mo tuloy nito, magulo na ang buhok mo. Masuwerte ka na kung maging amoy usok ka lang, eh pano pag dumikit sa iyo ang putok ng katabi mo?
Ok sana ang MRT, pwede ka sana magsenti dun. Ganun kasi sa mga pelikula - maraming magagandang eksena ang nangyayari sa mga istasyon ng tren. Ok na sana kaya lang naisip mo, paano ka magsesenti dun? Ang dami kasing sumasakay sa MRT. Marami ring taong walang sasakyan katulad mo. Simula pa ng pinaghiwalay ang mga pasaherong lalaki sa babae, naging siksikan pa lalo. Buti sana kung para lang kayong nasa lata ng sardinas, pero hindi, mas karapatdapat tawaging para kayong nasa lata ng karne norte. Ganun kasi kasikip, kasiksik, at umaapaw sa loob ng shuttle, para tuloy kayong mga hibla ng karne norte (yung iba chunky pa). Makakapagsenti ka pa ba kung halos di ka na makagalaw at kung anu-ano at sinu-sino na ang nakakadampi sa kung saan-saang parte ng katawan mo?
Buti nalang may taxi. Kahit 30 pesos ang minimum at 2.50 ang dagdag kada ilang metro, ayos pangsenti. naka-aircon ka kasi, may radyo pang kasama. pagsakay mo maririnig mo pa ang kantang Fixing a Broken Heart. Yung parte na "I hailed a taxi in the rain, looking for some place to ease the pain…" Naks! Tamang-tama sa iyo. Umuulan kasi nung mga panahong yun kaya ikaw naman nakatulala at tinitingnan ang mga tulo ng patak ng ulan sa bintana ng taxi. Tapos na ang kanta, narinig mo kasi yung DJ sa radyo sabi "Alam mo na yan!" Sus ko, si manong driver fan ng 101.9. Ayos lang naman kasi bababa ka na din sa mall na pupuntahan mo. 72.50 ang nakalagay sa metro. 80 pesos ang pera mo. Sabi ni manong wala daw siyang 7.50. Ayaw mo na makipagtalo, pagod ka na din kasi sa mga argumento at pakikipag-away. Hinayaan mo na lang. Kasalanan mo kasi. Gusto mo magsenti eh.
Pagbaba mo ng taxi, nabasa ka ng ulan. Hindi ka kasi nagdala ng payong. Hindi rin kasi pangsenti ang payong. Ang alam mo kasi ang mga nagsesenti nagpapakabasa sa ulan habang umiiyak. Ayun, nagka-ubo at sipon ka pa tuloy. Kinailangan mo pang dumaan ng botika para bumili ng neozep at biogesic para di ka tuluyang lagnatin. Dagdag gastos tuloy. Ayos lang. Mas kaya mo ang pisikal na karamdaman kaysa emosyonal na sakit. Gusto mo magsenti eh. Malungkot ka kasi.
Sa loob ng mall gagastos ka ng madami. Bibili ka ng mga bagay na di mo naman kailangan. Manonood ka ng sine. Ayaw mo sa SM kasi masikip ang seating arrangement dun, hindi mo maiunat ang mga binti mo. Kaya sa mas mahal na sinehan ka pupunta. Doon, mas komportable ka, mas maiuunat mo ang mga binti mo habang kumakain ka ng unlimited popcorn at drinks. Maganda rin sa I-MAX (kaiba sa ibang sinehan ng SM) kasi pagpasok mo, bibigyan ka pa nila ng salamin para isuot mo at makita ang 3D sa malaking screen ang pelikula, maluwag din ang seating arrangement. Mas kapani-paniwala ang palabas, at mas mahal. Ok lang, malungkot ka naman.
Kamusta naman ang pitaka mo? Ayun, malungkot na rin. Wala na kasi siyang lamang pera. Ok lang? Ok lang. malungkot ka kasi.
(itutuloy…)
Entries (RSS)